a week in bits

not in any order


*************

napakaswerte ko talaga minsan. 5:15 ko ata sinimulan i-send sa boss ko ang natapos kong drawing sa autocadd. kaso eto tapos na ang PBB, andito na ako sa bahay, nagsesend pa rin ng file. nalintikan na ako. paano ako mamaya sa rowing? kanina pa dapat ako tulog!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!

*************

may blog nga pala ako? akalain mo yun...


*************

inabot ko ang isang daan. sinuklian ako ng walong piso.
"wala na bang taas?"
"baba na yan."

napatingin ako sa ticket. 92 pesos na pala ang sine sa SM.

"magkano sa taas?"
"112."
"ahhhh"

ganon na pala ako katagal hindi nanonood ng sine. noong huli kong panood, nasa 60 pesos lang at dscounted pa dahil gumamit ako ng SM advantage card. haay. hindi talaga nakakapagtaka bakit madaming pinoy ang nakukontentong manood na lng ng pirated cds.

*************

buti na lang madaming bakanteng upuan kaya hindi ako nahirapan mamili ng pwesto. umupo ako sa may gitna kung saan ang pinakamalapit na tao ay walo o sampung upuan ang layo mula sa akin. mahirap na tumabi kung kanino. baka maturukan ako ng AIDS. alam mo na, baka totoo yung kumalat sa email...

may bigla daw mararamdamang parang kinagat ng langgam. tinurukan ka na pala ng dugong may AIDS. kaya babala sa mga taong nanonood ng sine mag-isa.

siguro naghahanap lang ng kasama manood ng sine ang nagsulat nun. pero baka totoo kaya sinigurado kong tumabi ako sa maraming wala. pagka-upo ko, tumingin pa ako ulit sa kanan at kaliwa. sinilip ko rin yung upuan sa harap at likod, baka may taong nagtatago. wala namang bumulaga sa akin kaya umupo na ako ng maayos.

baka may tumurok sa likod ng ulo ko? nag-slouch ako. tipong pagtitingnan mula sa likod ay parang walang nakaupo sa kinauupuan ko.

baka naman may tumurok sa bumbunan ko? naku! baka nga...

ang OC-OC ko talaga. bakit ba kasi nanonood na naman ako mag-iisa? nasaan na ba ang mga kaibigan ko?

*************

may offline message galing kay khaye. sa 17 daw ang celebration ni mike. sa 17, after dinner.

17!!! wala na bang ibang araw kundi december 17??! hindi na ako nag-reply. nalungkot lang ako dahil hindi ako makakapunta. parang sa christmas party ng nova gang, sa 17 din yun. hindi ako makapag-commit dahil nag-aalangan ako kung makakapunta man ako o hindi na talaga.

drinamahan na naman nga ako ni paulo nung isang araw. lumang drama pero nadagdagan ng mga bagong linya... sige mamundok ka na lang. mamangka ka na lang. ganyan ka naman. sanay na kami. 5th friends mo lang naman kasi kami.

kung alam lang ni pau, dumudugo ang puso ko tuwing humihirit sya ng ganon. kung pwede ko lang hatiin ang katawan ko sa tatlo o apat o lima, gagawin ko. sa kabilang banda, pwede nga naman ako sumunod sa nova pagkatapos ng js prom. pwede din dumaan muna ako kila mike. shot muna ng ilan kila mike tapos saka magpapakalango sa nova. okay yun. miss ko pa man din uminom lalo na pagkasama sila ivy, neph, pau, winston, joey, dhey, mark, aldo, junard... (bumabawi sa pagbati. hahahaha!)

magkakalapit lang naman sila ng lugar. ang js prom wala pang venue sa ngayon pero pagpalagay natin sa pasig. tapos si mike sa may ortigas din lang. tapos ang nova gang ay nasa zabarte, lagpas sm farview lang naman. ang lapit. ang saya. anong oras kaya matatapos ang prom night? sana after dinner...

bakit ba kasi ganon? pag wala kang kaibigan, malungkot at ang hirap. pag marami kang kaibigan, minsan malungkot at ang hirap pa rin. ang kumplikado talaga ng buhay. tsk. tsk. tsk.

*************

sumabay ako kay papa papasok sa opisina. matagal na rin noong huli akong sumabay sa kanya. malaking tipid talaga kung sasabay ako pero exciting ang buhay kapag late at nagmamadali... naiinip at nagpaparinig sa driver habang naghihintay mapuno ang tricycle o jeep. nakikipaggitgitan sa mrt o kaya nakikipag-unahan sa fx. tumatakbo papuntang office. pumapasok sa pinto na akala mo walang ibang taong nakikita. minsan kunwari mukhang galit at masama ang gising. minsan kunwari pagod na pagod. minsan butil-butil ang pawis kaya todo pakita sa mga boss ang pagpupunas ng pawis. umaga palang wasted na ko, bagsakan nyo ko ng trabaho nang makita nyo hinahanap nyo. ang tapang di ba?! kunwari lang.

sumabay ako kay papa kaya bago pa mag-alas otso y medya ay nasa office na ako. pagpatak ng alas dose nagmadali kami bumaba ni irene para magsimba sa Shrine. Immaculate Conception kasi. feeling ko ang banal-banal ko dahil nagsisimba ako. kaso nagwewelga na ang mga bulate sa tiyan. tuloy, habang misa iniisip ko sana hamburger ang isubo ng pari sa amin sa Communion. bread din naman yun di ba?
*************

nagsimula ang huwebes ko sa ganap na alas-dose ng hatinggabi. balik abnoy na naman kasi ang body clock ko. kung hindi ako gising hanggang alas-dose, nagigising ako ng alas-dose, minsan naman ay alas-tres. pero kanina'y hindi tulad ng ibang araw na madali akong nakakabalik sa tulog.

bumangon ako at kinuha ang tent ko. nilatag ko sya sa sahig. tinitigan ng matagal. kukunin ko na sana ang poles para itayo ang tent kaso nakita ko yung kama ko. ba't ba ako matutulog sa tent, e andito din lang naman ang kama? sa sala ko kaya i-pitch? tinitigan ko na lang ulit ang tent. tiniklop. nilatag uli. inusisa ko ang tela at ang mga zipper. tiniklop. nilatag uli. ka-oc-oc-kan ko talaga... nung napagod na ko, tinupi at itinabi ko na ang tent. pinatay ang ilaw at bumalik sa kama.

pasado alas-tres na ng huli kong tiningnan ang orasan. mag-row kaya ako? umuulan, baka tumaob ang bangka. baka walang row. baka walang pumunta. baka...

*************

napag-usapan namin ni abet ang lovelife na naman. nag-iyakan ang mga emoticons namin. iniyakan namin ang aming mga sawing pag-ibig. bumaha ng luha. habang sinusulat ko ito saka ko lang naalala na kung gaano nya katagal iniyakan ang sawing pag-ibig na yun ay ganon din halos ako. ilang taon din nagpakaloko ang puso ko sa taong nagpaiyak sa akin ng tabo-tabo. tabo lang hindi balde kasi kung balde-balde, yun yung...

drum? wala. ang pangit pakinggan e. umiiyak ako ng drum-drum? can not be. lalo na tangke. umiyak ako ng tangke-tangke? negative. may gagamit kaya ng 'umiyak ako ng dam-dam?'
pinakapangit! hahahaha!

*************

nagkasakit ako. hindi ko alam kung paano pero hayun, nagtae at nilagnat ako. napauwi tuloy ako ng 'di oras. hindi ko natapos ang mga dapat kong gawin sa opisina. hindi tuloy ako naka-attend ng preclimb.

alas kwatro nasa bahay na ako. nagpalit ako kagad ng damit tapos dumiretso na sa kama. nakatulog naman ako agad. nagising lang ng mga bandang alas-otso na nilalagnat.

naisip ko si mama na nasa malayo nag-aalaga ng ibang tao. ang hirap sigurado sa kalagayan nya. nag-aalaga sya ng ibang tao pero kaming pamilya nya hindi nya maalagaan lalo na kapag may sakit. sana magkakasama na lang kaming lahat...

*************

3 comments:

  1. napakahaba naman at maraming topic ng post mo, kaya hahabaan ko rin comments ko...

    ***

    Saan SM ba yan? Php130 na po ang bayad sa SM Megamall sa taas. Kapapanood ko ng Chicken Little habang hinhintay meeting ng OCMI nung Wednesday. Bago yun, Matrix Reloaded na ata huli ko napanood: that was two years ago pa. Tama, pirated dvd na lang.

    ***

    hala lovelife...(sigh)

    bakit ka umiiyak? eh happy naman ang lovelife mo e, bwehehe! =p

    ***

    alam mo, hindi lang ikaw nahihirapan mag-commit. nung nag-daguldul tayo, 3 party: bday, binyag, at reunion ang hindi ko napuntahan. siyempre may guilt feeling ka, kasi hindi mo mapagbigyan lahat. pero nasa edad naman na mga friends mo kaya bahala na sila umintindi.

    ***

    may sayad ka na ata. matutulog ka sa tent katabi ng iyong kama? tsktsk =P

    ***

    verdict: sagutin mo na kasi...una, may kasama ka na manood ng sine. pangalawa, libre ka na sa gastos. pangatlo, hindi ka na mag-iinarte. pang-apat, may katabi ka na sa tent. at panghuli, may mag-aalaga sa iyo kapag may sakit ka...

    ***

    have a happy JS prom =)

    ReplyDelete
  2. kelangan ko ba ding isa isahin? hehehe. ang masasabi ko lang. mahirap na masarap talaga pag maraming kaibigan. magastos din.

    Sa panunuod ng sine. Oh well, trabaho ko din yan! hindi naman ako kasing OC mo! hehehe. naniniwala kasi akong kung may masamang mangyayari kahit tulog ka lang may masamang mangyayari why waste time and energy worrying.

    bukas na ung iba. :D

    ReplyDelete
  3. Galing kay bestfriend E!

    Ganun na pala kamahal ang sine sa manila? Kaya nga dito nanghihiram na lang ako ng dvd at least mura at marami pa ang nakakapanood.

    Imbis na manood tayo ng sine, pang bilyar na lang natin. At para din iwas tayo sa nagtuturok ng AIDS.

    Naku, indemand pala ang beauty mo. I hope eh pagbigyan mo ako pagdating ko, hindi biro biro ang pamasahe ko. Eniwei, excited na ako sa galera natin at christmas party.

    Hanggang dito na lang muna.

    Bukas pagkagising mo ako na kausap mo sa telepono. Ingat palagi!

    Nagmamahal ang iyong kaibigan!

    ReplyDelete