of sequels and want not

ang pajero parang fx lang sa japan. ang chedeng, ginagawang taxi lang sa europe. ang people power parang pelikula sa pinas?

sa araw na ito ginugunita ng pilipinas ang kanyang kalayaan. taun-taon tuwing pinagdiriwang ito sa luneta ay sabay ang welga sa iba't ibang lugar dahil sa iba't ibang rason. ang pangulo at ang bansa ngayon ay nahaharap sa isang mabigat na sitwasyon. natatakot tuloy ako na baka sa araw na ito o sa mga nalalapit na araw ay magkaroon ng malawakang paglunsad para patalsikin si arroyo. nakakatakot, magkaka-edsa na naman ba?

mayroon nang tatlong yugto sa kasaysayan ng edsa. may edsa revolution, may edsa dos, at may sinasabing edsa tres. parang pelikula, the edsa trilogy. kung sakaling magkaroon ng pang-apat, tatawagin kaya itong edsa quatro? sana hindi. sana wala. hangga't maari, sana wala ng kasunod.
natatakot akong ikabit ng mga mag-aaklas ang pangalan ng edsa sa kanilang pinaglalaban. nakakatakot dahil nakakahiya. tiningala ng buong mundo ang pilipinas ng pinamalas nito ang people power sa edsa noong 1986. tiningala at ginawang huwaran siya sa polland, ukraine, indonesia, korea, at ilan pang bansa. siguro nawili ang pinoy sa lakas at tanyag ng people power. ngunit sa tuwinang idadawit ang pangalan ng edsa, sa tuwinang gagamit ng sinasabing people power, hindi kaya't limot na ang tunay na kahulugan nito?

nakakahiya. ganito na ba ang paraan ng demokrasya sa pilipinas? makitid na ba ang pananaw ng pinoy o tunay lang tayong makashowbiz? mahahalintulad na ang edsa sa pelikula na pagbumenta ay sinusundan pa. ngunit ang orihinal ay tunay na walang katapat. bihira pumatok ang mga sequel at kadalasan sa bawat dagdag na yugto, lumalayo ito sa tema ng orihinal.

sana'y wala ng isunod sa edsa trilogy. sana isipin ng mga producers na hindi ito papatok sa takilya, tutal laos na sila jinggoy, nino mulach at rex cortez. ngunit linggid sa lahat ng ito ay malaki pa rin ang pasasalamat ko sa desenyo ng buhay. buti na lang hindi na naibabalik ang nakaraan. hindi ba't masnakakatakot kung may edsa prequel?


/rba.12june05

No comments:

Post a Comment